"Bakit ka nagpakalbo?"
kadalasan mas nababagabag pa ang iba sa mga desisyong, sa totoo lang, di ko naman talaga mariing na pinag-isipan. isa na rito ang pagpapakalbo. mainit lang talaga. at saka, mula ng pumasok ako sa Kapisanan, nagpapakalbo naman talaga ako.
"Bakit ka nagpakalbo? May pinagdadaanan ka bang proseso?"
mainit lang naman talaga. kung tutuusin mas presko at higit na maginhawa ang pakiramdam. at sadyang kay praktikal pa -- hindi ka na gagastos para sa shampu, wala ka nang poproblemahing pamada, at hindi mo na rin kailangan ng suklay.
talagang presko, maginhawa at praktikal ang magpakalbo.
ganun din naman ang tawag sa atin di ba -- ang ipakalbo ang mga bagay na hindi natin kailangan para higit na maging mainam tayo para sa apostolado. mahirap ang maraming bagahe sa buhay. kung buhok lang ay hindi maipagpalaya, ano pa kaya ang mga bagay na mahirap iwanan?
minsan na tayong kinalbo -- nuong talikuran natin ang mundo ng pumasok tayo ng nobisyado. at kahit na lumabas tayo duon at lumipat dito sa loob ng ateneo, patuloy pa rin ang karanasan ng pagkakalbo. iba-iba nga lang tayo. sa iba, madali at suwabe. ngunit karamihan sa atin, kahit anong pagkukubli, hindi pa rin madali. kung nakaraos man -- lalo na sa hirap ng pag-aaral -- salamat na lamang at may grasya. at kung maalala ang sigaw natin tuwing binabasag ang pagkukubli ng mga tinig at himig tuwing sumasapit ang bagong umaga, semper Deo gratia et Mariae!!!
kaya, semper Deo gratia et Mariae!!! sa bawat bagong umaga na may taglay na bagong tuwa't ligaya.
No comments:
Post a Comment