Friday, September 30, 2005

Para sa Isang Taong Umiibig

Para sa Isang Taong Umiibig
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Zone 7 De la Costa Housing, Barangka
26 Hunyo 2005

1. Manatili sa pagkaka-upo ang sinumang hindi pa nakakaranas na umibig. Kung sa iyong palagay ni minsa’y hindi ka dinaanan ng pag-ibig, huwag kang tumayo. Ngunit kung maski minsan dumampi sa iyo ang karanasan ng pag-ibig, huwag magatubiling tumayo. Inaanyayahan ko ang sinuman sa inyo na nakaranas na umibig o ibigi’y tumayo.

2. Hindi ba’t kay sarap umibig?

3. Nuong nakaraang gabi ng Biyernes, kasama ko si Bro. Weng na nanuod ng Nasaan Ka Man. Sa unang bahagi ng pelikula, ipinakita’t ipinamalas ang lambinga’t suyuan ng dalawang irog – Si Claudine at Jericho. Sa piling ng bawat isa, animo’y walang bukas. Sa bawat hawak ng kamay at mga labi, ang sandali’y parang walang hanggan. Sa bawat tibok ng kanilang mga puso, para bagang sila lamang ang nabubuhay sa mundo.

4. Hindi ba’t kay sarap umibig?

5. Sa taong umiibig, hindi ba’t may kasabihan, “hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Sa isang mangingibig, ilalaan ang buhay makamit lamang at mapasaya ang sintang irog. Isang kabaliwan nga ang mamatay na walang saysay. Pero sa isang umiibig walang hihigit sa talino ng kabaliwan ng pagmamahal. Maski ang sariling buhay, iaalay.

6. Ito ang yaya ng Ebanghelyo sa atin ngayon. Isang anyaya na sa wikang ingles ay tinatawag na radical discipleship. Ang radikal na pagsunod na ito ay ang yaya na umibig sa Diyos. Ang umibig sa Kanya. Narinig din natin sa Ebanghelyo ngayon ang kalidad ng pag-ibig na ito – una Siya sa lahat; una Siyang iibigin.

7. “Ang umiibig sa ama o sa ina na higit sa akin ay hindi karapatdapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae na higit sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.”

8. Ngunit hindi madaling umibig sa Kanya.

9. Nuong ako’y papatapos ng Kolehiyo. Lumabas ako ng seminaryong pinasukan ko. Panganay kasi akong anak at namumutakti ang problema sa aming bahay. Pinansiyal ang puno’t dulo ng mga suliranin sa aming tahanan. Miski hindi ako sinabihan ng mga magulang kong lumabas, mahirap tanggapin kasi na nag-hihirap ang mga mahal ko sa buhay at ako nama’y maginhawa at komportable ang pamumuhay.

10. Lumabas ako. Tinalikuran ang buhay na alam kong gustong-gusto ko. Nakapagtrabaho ako sa isang bangko. Naging maayos naman ang aking buhay sa bangko. Naka-tulong ako sa pag-aaral ng aking kapatid. Naibsan ang hirap ng aking mga magulang. Naging maunlad ang aking buhay.

11. Pero hindi ako masaya. Alam ko kasi ang talagang gusto ko. Ang maglingkod sa Diyos bilang isang pari, bilang isang lingkod. Pilit kong tinatakasan itong tawag Niya. Nakakatakot kasi. Pinilit kong maging masaya. Mahirap magtago sa mga kinakatakutan ko. Ang hirap malunod sa mga pangamba – kakainin kang buhay.

12. Hindi nagtagal hinarap ko rin ang aking sarili. Natuto akong sumagot sa Kanyang tawag. Ang sarap palang umibig sa Diyos. Magtiwala ka lang sa Kanya. Hindi Siya pabaya. Hindi ka Niya iiwanan. Sa totoo lang, Siya kasi yung unang umibig. At wala nang hihigit pa sa pag-ibig na mula sa Kanya.

No comments: